Obrero, utas sa kaibigan
MANILA, Philippines - Isang construction worker ang nasawi nang saksakin ng kanyang kaibigan matapos na magtalo ang mga ito dahil sa pinagbentahan ng gamit sa pagwe-welding sa Brgy. Manggahan, Pasig City kamakalawa ng gabi. Isang saksak sa dibdib ang ikinasawi ng biktimang si Sherwin Morado, 24, at residente ng Guyabano St., Napico, Brgy. Manggahan, Pasig City.
Samantala, patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang si Archie Banez, 22, kapitbahay at kaibigan ng biktima.
Batay sa ulat ni PO3 Melvin Mendoza, may hawak ng kaso, lumilitaw na naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng gabi sa kahabaan ng Guyabano St.. Bago ang krimen ay magkasama umano ang magkaibigan, nang maalala umanong hanapin ng suspek ang pinagbentahan ng welding rod sa biktima.
Wala naman umanong naibigay ang biktima dahil sa hindi pa umano naibebenta ang welding rod dahilan upang magtalo ang mga ito nauwi sa suntukan, hanggang sa saksakin ng suspek ang biktima, at saka tumakas. Naisugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit nasawi rin.
- Latest