MANILA, Philippines - Anim na city bus na nagpilit na pumasok sa Maynila ang pinaghuhuli ng pinagsanib na puwersa ng Traffic Bureau ng Manila Police District, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Metropolitan Manila DeveÂlopment Authority (MMDA) sa may Mabuhay Rotonda, kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga hinarang ay biyaheng Fairview-Baclaran via Quezon Avenue na Greenline Express-UYC 165; Corimba express-UVC 499; Thelma Transit-UWE 224; Thelma Transit-UWF 534; Safeway-UVJ 465 at Universal Guiding Star-UVE 231.
Ayon kay Manila Vice Mayor at traffic czar Isko Moreno, sinubukan ng mga ito na labagin ang batas at paÂnuntunan na itinalagang lugar na babaan-sakayan at pagkakaroon ng terminal sa loob ng lungsod.
“Nagtataka ako sa mga ’yan, yung iba nilang kasamahan ay nakikiisa sa programa ng Maynila pero yung iba nagmamatigas, okay lang ’yan, karapatan nila ’yan pero hindi natin sila hahayaang lumabag sa batas,†ani Moreno.
Giit ni Moreno, nasa lokal na gobyerno ng Maynila ang hurisdiksyon sa mga kalye nito kahit pa may inisyung prangkisa ang LTFRB sa mga operator.
Aniya, kailangan lamang na sumunod ng mga ito kung nais ng mga ito na makapagÂhanapbuhay.
Dakong alas-7 naman ng umaga nang dumating sa Mabuhay Rotonda si Manila Mayor Erap Estrada na nakasuot ng camouflage para pangunahan ang panghuhuli.
Sa gitna ng kalsada, hinarap nito ang abogado ng mga bus operator na si Atty. Ferdinand Topacio at EFQBOA Spokesman Jessie Santos kung saan nagpalitan ng pahayag ukol sa kani-kanilang depensa.
Napagkasunduan naman ng mga bus operator at ng may-ari ng Park ‘n Ride na si Estellita Javier na kalahati na lamang ang ibabayad na security bond ng mga bus operator depende sa bus na pinapayagan ng city government.
Sinabi ni Estrada na sa napagkasunduan ni Javier at ng mga bus operators, ang lahat ay napagbigyan at susunod sa napagkasunduan.
Umaasa naman si Estrada na hindi na niya muling gaÂgamitin pa ang camouflage na uniform. Aniya, napilitan na lamang siyang gamitin ito bilang paghahanda sa bantang paglusob ng mga bus operators at pagpasok ng mga bus sa Maynila.
Samantala, korte na lamang umano ang makakasagot sa usapin ng pagbiyahe ng mga bus sa Maynila.
Ito ang sinabi ni Chairman Winston Ginez ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) kaugnay ng ipinatutupad na bus ban sa Maynila.
Ayon kay Ginez na tama ang mga bus operators sa pagsasabing maaari silang pumasok ng Maynila dahil iyon ang nakalagay sa kanilang prangkisa pero may karapatan din umano ang mga local na opisyal ng Maynila na i-regulate ang pagpasok ng mga bus sa lungsod lalo pa nga’t sanhi ito ng masikip na daloy ng trapiko doon.