Dry run ng Interim Bus terminal, EDSA biglang lumuwag
MANILA, Philippines - Naramdaman agad ang epekto ng pagbabawal sa mga provincial buses sa EDSA makaraang lumuwag ang daloy ng trapiko sa isinagawang dry run ng proyekto kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Southwest Interim Transport Terminal (SITT) sa Parañaque City.
Sa mga post sa social networking site na Facebook, marami ang nagpahayag ng papuri sa biglaang pagluwag ng EDSA. Isa sa netizen ang nagsabi na unang pagkaÂkataon na nakaranas siya na makarating sa Ayala, Makati City mula sa Quezon City ng 30 minuto lamang.
Nabatid na ginastusan ng pamahalaan ng P24 milyon ang SITT sa may Uniwide reclamation area sa Parañaque City na kayang maglaman ng 1,000 bus buhat sa mga lalawigan ng Cavite, at Batangas.
Isa ito sa tatlong interim terminal na itatayo upang mapaluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA. Nakatakdang buksan ngayong taon ang terminal sa Trinoma Mall sa Quezon City para sa mga provincial buses buhat sa Norte at sa Filinvest area sa Alabang, Muntinlupa City para naman sa mga bus na buhat sa Timog.
Pormal na bubuksan ang SITT sa Agosto 6 na inaasahang tuluyang makakatulong sa problema sa trapiko sa EDSA. Ang mga pasahero umano na bababa sa SITT ay maaaring ituloy ang kanilang biyahe sa ibang pampublikong sasakyan sa terminal na kaya ring maglaman ng 326 jeepneys na may biyahe sa iba’t ibang lugar.
- Latest