2 nagtangkang dumukot sa 10-anyos, arestado
MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang nadakip nang tangÂkaing dukutin ng mga ito ang isang 10-anyos na batang babae sa pamamagitan nang pag-alok ng candy, kamakalawa sa Taguig City.
Kinilala ni Chief Inspector Edna Catilogo, hepe ng Womens Children Protection Desk ng Taguig City Police ang mga suspect na sina Steven Delgado, 19, at Vern Abala, 25, kapwa vendor at nakatira sa Sapphire St., Rolling hills Subdivision, Novaliches, Quezon City.
Nakaligtas naman ang biktima na itinago sa pangalang Abegail, ng M.L. Quezon St., Brgy. Hagonoy ng nasabing lungsod makaraang makatakbo at makapasok sa loob ng kanilang bahay.
Ayon sa pahayag ni Cesar Cahanding Jr., ama ng biktima, naganap ang insidente dakong alas-4:10 ng hapon nang pumasok sa loob ng M.L Quezon Compound Brgy. Hagonoy sa lungsod ang dalawang suspect upang magtinda ng pastillas.
Ngunit makalipas lamang ang ilang minuto nakita ng lolo ng biktima na nagtatakbo papaÂlapit sa kanya ang apo at dito na isinumbong ng bata na pilit siyang isinasama ng dalawang lalaki.
Dahil dito ay agad na hinabol ng ama at lolo ng biktima ang mga suspect na hindi pa nakakalayo at nasakote na ang mga ito.
Mabilis namang rumesponde ang mga pulis sa insidente at nagresulta ng pagkakadakip sa mga suspect.
Itinanggi ng mga suspect ang akusasyon na tangka nilang dukutin ang biktima. Dahil dito sasampahan naman ng kasong attempted abduction at Republic Act 7610 o child abuse law ang dalawang nadakip na suspect sa Taguig City Prosecutor’s Office.
- Latest