2 karnaper tiklo
MANILA, Philippines - Nalambat ng mga tauhan ng Pasay City Police ang dalawang hinihinalang mga karnaper makaraan ang isang maigsing habulan matapos na matiyempuhan ang mga suspek na sakay ng isang nakaalarmang sports utility vehicle (SUV), kahapon ng madaling-araw sa naturang lungsod.
Nahaharap ngayon sa mga kasong carnapping, illegal possession of firearms at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sina Julius Tizon, 32, at Michael Mijares, 26.
Sa ulat ni Chief Insp. Ernesto Eco, Jr., hepe ng Pasay Police-Special Operation Unit, isang linggo umano nilang tiniktikan ang grupo ng isang Joseph Garcia, alyas Putoy, makaraang mamonitor ang iligal na gawain nito sa carnapping, credit card fraud at iligal na droga.
Dakong alas-12:20 ng madaling-araw nang maispatan nina Eco ang isang Ford Escape (XHN-496) at isang Honda Civic (DFY-938) na magkasunod na bumabagtas sa Leveriza Street. Nakilala ng mga pulis ang mga behikulo na kabilang sa mga nakaalarmang sasakyan kaya nila sinundan ito.
Nakahalata naman ang mga sakay sa dalawang behikulo na nagtangkang tumakas. Naabutan naman ng mga pulis ang Ford Escape sa may Harrison Mansion sa may FB Harrison St. na nagresulta sa pagkakadakip kina Tizon at Mijares. Nakumpiska sa posesyon ng mga ito ang isang kalibre .38 na baril at dalawang plastic sachet na hinihinalang naglaÂlaman ng shabu.
Nabatid na pag-aari ng isang Carmina Cabrera ng Dasmariñas, Cavite ang Ford Escape na inalarma sa PNP Highway Patrol Group na kinarnap.
Patuloy naman na nagsasagawa ng operasyon ang pulisya upang madakip ang mga nakatakas pang mga miyembro ng sindikato at matumbok ang lider na si Garcia.
- Latest