Pulis utas sa hit-and-run
MANILA, Philippines - Utas ang isang pulis matapos itong ma-hit-and-run ng hindi pa mabatid na sasakyan sa Navotas City kahapon ng madaling araw.
Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center ang biktimang si PO3 Edgardo Fernandez, 48, ng Brgy. NBBS ng naturang lungsod at nakatalaga sa Northern Police District (NPD) sanhi ng tinamong pinsala sa katawan at pagkabasag ng bungo.
Kasalukuyang iniimbestigahan pa ng Navotas City Police Traffic Bureau kung anong uri ng sasakyan ang nakasagasa dito.
Base sa imbestigasyon ni P01 Reynaldo Segua, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng Road 10, Brgy. Northbay Boulevard South ng naturang siyudad.
Nabatid na habang minamaneho ni PO3 Fernandez ang kanyang Kawasaki motor (1473-N) at binabagtas ang naturang lugar nang bigla itong salpukin ng hindi mabatid na sasakyan, na nagresulta upang tumilapon ang biktima ng ilang metro ang layo na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan. Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nawasak ang motor na sinakyan ng biktima habang mabilis namang tumakas ang nakabundol na sasakyan.
Samantala, isa pang 50-anyos na matandang lalaki ang naging biktima rin ng hit and run ng isang rumaragasang bus sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng mga tinamong pinsala sa katawan at ulo ang biktimang si Bernardo Fernandez, residente ng Congressional Avenue, Quezon City .
Papatawid ang biktima sa nabanggit na lugar at hindi nitong namalayan ang paparating na humaharurot na bus na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
- Latest