5 sorority members, kinasuhan sa hazing
MANILA, Philippines - Sinampahan kahapon ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law ang limang babaeng miyembro ng isang sorority sa University of Perpetual Help makaraang ireklamo ng isang neophyte na isinailalim sa initiation rites noong nakaraang Linggo sa Las Piñas City.
Tanging ang suspek na si Marlyn Alagbate, residente ng Meadwood Executive Village, Bacoor, Cavite lamang ang naiharap ng mga tauhan ng Las Piñas Police sa Las Piñas Prosecutor’s Office. Patuloy namang nakalalaya pa ang mga kapwa akusado na sina Lhen Garcia, Marie Buenavente, Lala Morase at Angie Magsael.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng 18-anyos na si Pauline Santos, ng Brgy. Don Galo, Parañaque City. Sa salaysay nito, nagtamo siya ng matitinding pinsala sa katawan dahil sa paulit-ulit na pamamalo ng paddle sa kanya ng mga suspek noong Enero 10.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Warren Vicente ng Las Pinas police, ilang ulit na umanong tumanggi si Santos sa ginagawang paghikayat sa kanya ng grupo ng mga suspek na sumali sa kanilang sorority na Tau Gamma Phi-Sigma.
Nahikayat naman siya ng suspek na si Alagbate na sumama sa isasagawang initiation rites upang panoorin lamang ito ngunit hindi niya alam na isasalang rin siya.
Unang isinailalim sa hazing ang mga lalaking neophyte sa pinuntahan nilang bahay ngunit nang matapos ay sapilitan umano siyang isinama sa mga neophyte na babae na isinalang sa hazing.
Sa kabila umano ng kanyang pakiusap na hindi na siya sasali ay itinuloy pa rin umano ang paghataw sa kanya ng paddle ng lima. Nakauwi lamang si Santos nang isakay siya sa tricycle ni Alagbate kung kaya agad namang siyang nagsumbong sa kanyang mga magulang na nagsama sa kanya sa himpilan ng pulisya.
- Latest