Kinidnap na paslit nasagip,2 kidnaper, nadakip
MANILA, Philippines - Nasagip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 7-anyos na batang lalaki habang naaresto naman ang kaniyang abductors sa isinagawang operasyon sa isang mall sa Maynila kamakalawa ng gabi.
Dinakip ang mga suspect na sina Ronnel Santiago, alyas “Brian Santos” ng Malabon City at Rona Gador, residente ng San Jose Del Monte at may address ding Malolos, Bulacan kaugnay sa pagdukot sa batang itinago sa pangalang “JR”.
Sa ulat ng NBI-National Capital Region Office, nitong Disyembre 14 nang maghain ng reklamo ang mga magulang ng biktima hinggil sa pagkawala ng anak at panghihingi umano ng ransom money ng suspect sa halagang P20,000.
Utos umano ng caller na ipadala sa pamamagitan ng money transfer ang pera kapalit ng pagpapalaya sa biktima.
Ikinasa ng NBI ang rescue operations sa pamamagitan ng pagmomonitor sa ilang sangay ng money transfer gamit ang tracking numbers para sa pag-claim na umano’y ipapadala sa pangalan ng isang Brian Santos.
Nang araw na iyon, (Dis. 14), namataan ng NBI ang bata, batay sa deskripsiyon ng magulang, kasama ang isang lalaki at babae na pumasok sa loob ng Cebuana Lhuilier branch sa Odeon Mall sa kanto ng C.M. Recto at Rizal Ave., sa Sta Cruz, Maynila.
Ayon umano sa bata, isang “Kuya Jason” na kaibigan ng kaniyang ama ang tumangay sa kaniya.
Matapos na nakuha ng mga suspect ang ipinadalang pera ay siyang naging hudyat ng NBI upang arestuhin ang dalawa kung saan nakuha sa kanilang pag-iingat ang isang postal ID na may pangalan na Brian Santos, isang electronic validated Pera Padala claim receipt at cellphone ni Santos kung saan mababasa ang ilang text messages sa transaksiyon ng suspect sa mga magulang ng biktima.
Ang mga suspect ay sinampahan ng kasong paglabag sa Article 267 (Kidnapping at Serious Illegal Detention of the Revised Penal Code).
- Latest