Pulis ‘tinalo’ ng holdaper
MANILA, Philippines - Isang pulis ang tinalo at hinoldap ng isang lalaki hanggang sa madakip ang huli kahapon sa Caloocan City. Kinilala ang biktima na si SPO3 Romeo Asuncion, 52, nakatalaga sa Caloocan City Police. Nakakulong naman ang suspek na si Luis Jello Cruz, 19, ng Sebastian St., Pag-asa, Quezon City.
Ayon sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng hapon sa EDSA Avenue, Bagong Barrio ng nabanggit na lungsod. Nakasakay sa isang pampasaherong jeep ang biktima at ang suspek at pagsapit ng nabanggit na lugar ay kinuha ng suspek ang baril nitong paltik sabay na tinutukan ang naturang alagad ng batas at nagdeklara ng hold-up.
Kinuha ng suspek ang gintong bracelet ng biktima bago mabilis na tumalon mula sa jeep at tumakas. Agad na pumara ang biktima at hinabol ang suspek hanggang sa maabutan at mabawi ang bracelet bago dinala sa presinto si Cruz. Nakuha sa suspek ang paltik na baril at balisong.
- Latest

















