Helper pinagtanungan muna, bago binoga
MANILA, Philippines - Nagtanong muna, bago barilin sa ulo at mapatay ng isang lalaking nakasuot ng helmet ang isang junk shop helper habang nakikipag-kwentuhan sa mga kaibigan sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi
Si Ruel Torno, 19, stay-in helper sa Lanzones Drive, Brgy. Payatas sa lungsod ay agad na nasawi dahil sa tama ng bala sa ulo.
Nangyari ang pamamaril sa harap ng Larrizon Hauling Services na matatagpuan sa Lanzones Drive, Payatas ganap na alas-10:30 ng gabi.
Napag-alaman na nakikipag-kwentuhan ang biktima sa kanyang mga kaibigan habang nakaupo at nagpapahinga nang dumating umano ang suspect.
Nilapitan ng suspect ang biktima saka tinanong ito kung mayroong burol. Sumagot naman ang biktima at itinuro ang burol, pero nagbunot na ng baril ang suspect at binaril ang huli sa ulo, saka naglakad na umalis papunta sa kanyang motorsiklo at tumakas.
Inamin ng imbestigador na blangko pa sila sa motibo sa likod ng pamamaril dahil maging ang kaanak nito ay walang nalalamang naging kaaway ang biktima sa lugar.
- Latest