Caretaker dedo sa pamamaril
MANILA, Philippines - Isang caretaker ang nasawi makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin habang nakatayo sa harap ng isang restaurant sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Godofredo Agudo, 58, may-asawa ng 1-B-503 Asco Village, Malaria, Caloocan CIty.
Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may harap ng Dory’s restaurant na matatagpuan sa Lot 10 Phase III, Jordan Subd., Commonwealth Ave., Brgy. Pasong Putik, ganap na alas-9:30 ng gabi.
Ayon kay Carlos Gregor Wong, isasara niya ang pintuan sa likod ng restaurant nang makarinig siya ng malakas na putok ng baril mula sa labas.
Tiningnan ni Wong ang pinagmulan ng putok kung saan naroon ang biktima na nakahandusay at duguan ang katawan habang tumatakbo naman papalayo ang isang lalaki sa nasabing lugar.
Agad na ipinagbigay alam ni Wong ang pangyayari sa mga awtoridad para sa imbestigasyon.
Narekober sa lugar ang anim na basyo ng kalibre 45 baril at tatlong deformed slugs nito.
- Latest