Sekyu todas sa 2 holdaper
MANILA, Philippines - Patay ang isang security guard, matapos barilin ng isa sa dalawang holdaper makaraang tangkain ng una na labanan ang pag-atake ng mga huli sa binabantayan niyang conveniece store sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Tama ng bala ng baril sa leeg at dibdib ang naging dahilan ng pagkasawi ni Reynaldo Guiatao, 30, binata ng 12 Orion St., Dela Costa Homes II, Bgy. Paligsahan, ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay PO2 Roldan Cornejo, may-hawak ng kaso, dalawang suspect na armado ng kalibre .9mm na baril ang tinutugaygayan nila sa ngayon, matapos na matangay ang baril ng biktima sa insidente ng tangkang panghoholdap.
Nangyari ang insidente sa may 7-11 Convenience store na matatagpuan sa panulukan ng Quezon Avenue, at Scout Reyes, Brgy. Paligsahan pasado alas-6 ng umaga.
Pumasok ang mga suspect at nagkunwaring mga kostumer na tumitingin ng mabibiling produkto. Ilang sandali, napuna ng biktima na nagbunot ng baril ang isa sa mga suspect dahilan para tangkain niyang hugutin ang kanyang service firearm para pigilan ito, pero mabilis itong pinaputukan ng isa sa mga suspect sa dibdib.
Dito na bumuwal ang biktima, pero bago tuluyang umalis ang mga suspect, kinuha pa ng mga ito ang kanyang service firearm saka muling nilapitan at binaril sa leeg at tumakas.
Sinabi ng cashier na si Nelia Nebrida, nabigo ang mga suspect na mabuksan ang cash register kaya tanging ang baril na lang ng biktima at tinangay ng mga ito.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest