Nakagapos na bangkay, itinapon
MANILA, Philippines - Isang hinihinalang salvage victim ang natagpuan sa Barangay Malamig, Mandaluyong City kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa pulisya, dakong alas-5:00 ng madaling-araw nang matagpuan ng mga residente ang bangkay sa Halcon Street ng naturang barangay.
Inilarawan ng pulisya ang biktima na nakasuot ng kulay berdeng polo uniform at nakatali ang mga paa.
Lumitaw sa imbestigasyon ni PO3 Ambrosio Gam ng Mandaluyong City Police na isang tama ng bala sa ulo ang ikinasawi ng biktima.
May mga galos din umano ito sa katawan, palatandaan na nanlaban ito sa mga salarin.
Ayon sa isang Renato Versoza, isang taxi driver, kilala niya ang biktima dahil dati niya itong kasamahan sa trabaho.
Gayunman, hindi umano niya natatandaan ang pangalan nito dahil matagal na itong lumipat sa ibang kompanya.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng krimen at kung sino ang may kagagawan nito.
- Latest



















