Sekyu niratrat sa harap ng pawnshop
MANILA, Philippines - Patay ang isang guwardya nang barilin ng hindi pa kilalang suspek sa harapan ng isang pawnshop sa Taguig City kahapon.
Dead-on-arrival sa Taguig-Pateros Hospital ang biktimang si Jhon-Jhon Heramis, 38, nakatira sa V.P. Cruz St., Purok 5, Barangay Old Lower Bicutan ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa sketchy report na nakarating sa tanggapan ng Southern Police District Office (SPDO), naganap ang insidente dakong alas-12:25 ng tanghali sa harapan ng Limtong Pawnshop, V.P. Cruz St., Barangay Old Lower Bicutan ng nabanggit na lungsod habang nakatayo ang biktima nang biglang sumulpot ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ito, dahilan upang bumulagta si Heramis.
Matapos ang pamamaril ay kaagad na tumakas ang suspek at ang biktima naman ay mabilis na isinugod sa nabanggit na pagamutan pero hindi na rin naisalba ang buhay. Inaalam pa sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ang motibo at kung sino ang posibleng pumaslang sa biktima.
- Latest

















