MANILA, Philippines - Isang freelance model ang babaeng pinatay sa pamamaril bago itinapon papalabas ng isang mamahaling sasakyan sa lungsod Quezon noong Martes ng umaga.
Ito ang lumitaw sa pagsisiyasat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District kahapon, matapos na kilalanin ng kanyang kaanak ang bangkay ng biktima na si Julie Ann Rodelas, 20, dalaga, at residente ng Bagong Lipunan St., CAA Las Piñas City.
Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng CIDU, ang biktima na isang modelo at sinasabing talent ng ABS-CBN ay personal na kinilala ng kanyang nanay na si Luz Polidarion-Rodelas, matapos na magtungo ito sa kanilang tanggapan at magbigay ng pahayag kaugnay sa insidente.
Sinabi ni Marcelo, bago ang krimen, nakatanggap umano ng impormasyon ang nanay ng biktima mula sa isang kaibigan na ang kanyang anak ay dinukot sa harap ng World Trade Center sa Gil Puyat Avenue, malapit sa panulukan ng Macapagal Boulevard, Pasay City.
Dagdag nito, ang biktima ay kasama ng isang Althea Altamerano, co-model nito, na umano’y nag-report na sa Police Community Precinct 1 sa Pasay City Police Station hinggil sa nangyaring pagdukot sa una.
Ang nasabing pagpapa-blotter ni Altamerano sa nasabing himpilan ay kinumpirma ng mga imbestigador ng CIDU matapos makakuha ng kopya nito mula sa nasabing himpilan.
Lumilitaw na alas- 12:40 ng madaling-araw noong Nov. 6 nang ipa-blotter ni Altamerano ang nasabing pagdukot sa biktima.
Sinabi sa blotter na ganap na alas-12:30 ng madaling-araw habang naghihintay ang biktima at si Altamerano sa kanilang mga kaibigan sa harap ng World Trade Center nang biglang sumulpot ang isang Montero na hindi mabatid ang plaka at huminto sa kanilang harapan.
Mula rito ay bumaba ang dalawang hindi nakikilalang lalaki saka kinuha si Rodelas at isinakay sa kanilang sasakyan at itinakas.
Si Rodelas ay pinaslang sa may 18th Avenue Cubao matapos na itulak ng isang lalaking sakay ng Mitsubishi Montero nitong Martes ganap na alas-5 ng umaga.