MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang barangay chairman matapos barilin ng riding-in-tandem sa Caloocan City kahapon ng hapon. Inoobserbahan sa Manila Central University Hospital sanhi ng tama ng bala sa ulo si Elrey Magat, 26, ng Barangay 67 ng nabanggit na lungsod. Sa ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-3:30 ng hapon, habang pumapasada ng tricycle ang biktima nang sabayan at putukan ng isa sa mga suspek. Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklong hindi na nakuha ang plaka. Inaalam na ng mga pulis kung may kaugnayan sa pagiging chairman ng biktima ang motibo sa pamamaril.