Engineer patay sa taga ng quarter master
MANILA, Philippines - Patay ang isang 34-anyos na chief engineer nang pagtatagain ng jungle bolo ng isang quarter master, habang naglalayag ang sinasakyang M/T Nicole na padaong sa Manila Harbour Center, North Harbor, Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Sr. Insp. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si Rio Billones, 34, residente ng Juan Luna corner M. Industria Sts., Tondo.
Arestado naman ang suspect na si Julito Sibongga, 40, ng Kasahan St., Batasan Hills Quezon City.
Sa ulat ni SPO3 Rodelio Lingcong, naganap ang insidente dakong alas-8:45 ng gabi nitong Sabado sa loob ng tugboat na M/T Nicole.
Sa salaysay ni Eliseo Sacedor, 46, stay-in catain ng Coastline Integrated Services Corporation, na matatagpuan sa No. 1357 Romualdez st., Paco, Maynila, pinapatakbo niya ang tugboat patungo sa Delpan nang marinig niya ang pag-aaway nina Billones at Sibongga.
“Sige patayin mo ako...patayin mo!”, ito pa umano ang narinig ni Sacedor na kaya habang papadaong ay iniradyo na sa operation officer ng Coastline Integrated Corporation ang nagaganap sa loob ng tugboat.
Nang pagtatagain na umano ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay inutos na niya agad sa mga tripulante na iangkla na ang tugboat habang ang suspect umano ay nagtangkang tumakas.
Bago pa man tuluyang makatalon sa dagat ay itinapon na sa tubig ang jungle bolo at tumakbo subalit mabilis siyang dinamba ng operation officer na si Dominador Torres, pagsapit sa gate ng Manila North Harbor na naging dahilan upang ma aresto.
Nakapiit na sa MPD-Homicide Section ang suspect na isasailalim sa inquest proceedings para sa kasong murder.
- Latest