4 na ‘tulak’ huli sa Makati
MANILA, Philippines - Apat na hinihinalang tulak ng iligal na droga ang dinakip ng mga tauhan ng Makati City Police sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Sr. Supt. Manuel Lukban, hepe ng Makati Police, ang mga inaresto na sina Joseph Calibuso, 47; Rodel Dogilio, 24; Alfred Basco, 25; at Roberto Ganuso, 47.
Sa ulat na ipinadala sa National Capital Regional Police Office (NCRPO), nagsagawa ng buy-bust operation ang Station Anti-Illegal Drugs unit (SAID) at Makati Drug Abuse Council (MADAC) sa Acacia St., Brgy. Cembo makaraan ang sunud-sunod na ulat ng lantarang pagbebenta ng iligal na droga ng suspek na si Calibuso.
Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nakipagtransaksyon kay Calibuso upang makabili ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P300. Nang magkabayaran ng marked money, agad na dinakma ng mga nakaposisyon na pulis si Calibuso maging ang tatlong kasamahan nito.
Nang kapkapan ang ibang mga suspek, nakumpiska umano sa posesyon ng mga ito ang ilan pang sachet na naglalaman ng iligal na droga.
- Latest