Parak arestado sa karnap
MANILA, Philippines - Himas rehas ngayon ang isang pulis matapos arestuhin ng kanyang kabaro dahil sa umano’y reklamong carnapping ng isang negosyante sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang suspect ay nakilalang si PO3 Rogelio Malayog, 33, at nakatalaga sa Police Security Protection Group (PSPG)-Diplomat Protection Unit.
Siya ay dinakip base sa reklamo ng isang Michael Garcia, 33, ng McArthur St., Veterans Village Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.
Nangyari ang insidente sa kahabaan ng Kasiyahan St., Brgy. Batasan Hills sa lungsod, ganap na alas-3:45 ng hapon.
Diumano minamaneho ng biktima ang kaniyang motorsiklo (YG-8262) at angkas ang kaibigang si Raymond Cano at binabagtas ang nasabing lugar, nang madaanan nila ang suspect na pulis kasama ang dalawa pang lalaki na nag-iinuman sa lugar.
Dito ay hinarang umano ni Malayog sina Garcia saka hiningi ang lisensya nito at dokumento ng kanilang dalang motorsiklo. Agad namang iniabot ni Garcia ang hinihingi ng pulis, pero matapos makita at kukunin na ng una ang papel sa halip na ibalik, nagalit umano ang huli at sapilitang pinababa ang mga biktima, saka tinangay ang motorsiklo.
Sa puntong ito, nagpasiya si Garcia na magtungo sa Quezon City Police District-Station 6 para humingi ng tulong kaugnay sa insidente.
Samantala, habang nagbibigay ng salaysay sa pulisya ang biktima ay dumating ang suspect sakay ng tinangay na motorsiklo. Kaya nang makita ito ni Garcia at lapitan ay hindi na nagawang bumaba ni Malayog mula sa motorsiklo at saka muling pinaharurot ito papalayo.
Dito ay hinabol siya ni SPO3 Eliterio Dacumos dahilan para ito maaresto.
Sa kasalukuyan ay nakakulong sa himpilan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.
- Latest