MANILA, Philippines - Sugatan ang isang 18-anyos na dalaga nang mabaril ng riding-in-tandem na ang target sana ay ang tatay nitong negosyante kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Ginagamot sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng tama ng bala sa magkabilang hita ang biktimang si Pamela Rose, ng M. Naval St., Brgy. Daanghari, Navotas City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong alas-12:00 ng madaling araw sa kahabaan ng C-4 Road, Malabon City habang binabagtas ni Robelito De Dios, 48, lulan ng kanyang Toyota Innova, sakay ang asawa at anak na si Pamela nang sabayan ng nakamotorsiklong suspect.
Dito na sunud-sunod na nagpakawala ng putok ang mga suspek at minalas na tinamaan ang biktima na nasa likod ng ama.
Sinubukang gumanti ni Robelito at kinuha ang baril na nasa bag subalit pumalya ito at dito na tumakas ang mga suspek sakay ng Honda XRM na hindi na nakuha ang plaka.
Inaalam na ng mga pulis ang motibo sa pamamaril.