Pinagsasaksak, pinalo pa ng kahoy sa ulo: Kelot patay sa ka-live-in
MANILA, Philippines - Patay makaraang pagsasaksakin at pagpapaluin ng kahoy ng umano’y kanyang live-in partner ang isang 25-anyos na lalaki matapos ang mainitang pagtatalo sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon sa ulat, nakilala ang biktima na si Randolf Lardizabal, naninirahan sa Sitio Lambak Antipolo St., Brgy. Cruz na Ligas sa nabanggit na lungsod.
Nasa kustodiya naman ng awtoridad ang suspect na ka-live-in nito na si Margie Jimenez, 42, matapos na umamin sa krimen.
Sa paunang pagsisiyasat ay blangko ang mga imbestigador kung sino ang suspect, subalit nang makausap nila si Jimenez ay saka nabatid na siya ang may gawa ng krimen.
Sinasabing natagpuan ang bangkay ng biktima ng isang Junjun matapos na iteks ito ni Rodolfo Lardizabal kapatid ng una na puntahan ito para ayain sa isang trabaho.
Dito ay natuklasan ni Junjun ang biktima na nakahandusay at duguan na tadtad ng saksak at sugat sa ulo sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.
Nang dumating umano sa lugar si Margie Jimenez ay lungkot na lungkot pa umano ito sa pagkamatay ng biktima.
Pero nang tanungin si Jimenez sa QCPD headquarters binasag ng una ang katahimikan at inaming siya ang pumatay sa biktima matapos umano ang mainitan nilang pagtatalo.
Matapos ang insidente ay iniwan na umano ng suspect ang biktima. Sinabi pa ni Jimenez sa awtoridad, madalas na umano silang nag-aaway ng biktima at lagi umano siya nitong sinasaktan.
Dagdag pa nito, drug addict din anya si Randolf at kapag hindi niya nabibigyan ng pera ay nagiging sanhi ng kanilang pag-aaway.
Gayunman, sinabi naman ng kapatid ng biktima na plano na umanong iwan ng biktima ang suspect dahil madalas silang nag-aaway. Naniniwala sila na ito ang dahilan kung kaya pinatay ni Jimenez ang biktima.
- Latest
- Trending