Manhunt vs nambugbog sa PTV 4 news team
MANILA, Philippines - Inutos ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang manhunt operation laban sa grupo ng mga lasing na sinasabing nambugbog sa newsteam ng PTV 4 kamakalawa sa Sta. Mesa, Manila.
Ang kautusan ay inilabas ni Lim matapos na humingi ng tulong ang beteranong reporter na si Noel Perfecto at cameraman nito na si Larry Doon makaraang bugbugin ang kanilang mga kasamahang reporter na si Bernard Tan at cameraman nito na si Dante Morada.
Sa pahayag ni Perfecto, ala-1:30 ng madaling-araw nang mapadaan ang crew ni Tan sa Sta. Mesa, Maynila sa panulukan ng Valenzuela at V. Mapa Sts. nang isang lalaki ang humarang.
Minabuti ni Morada na huminto upang makatawid ang lalaki subalit bigla na lamang nitong hinataw ang hood ng sasakyan ng mga biktima. Tinignan ni Morada ang hood nang isang lalaki pa ang biglang sumuntok sa kanya.
Dahil dito, minabuti ni Tan na awatin ang pambubugbog ng mga suspect kay Morada subalit siya rin ay inatake ng mga ito.
Bunsod nito, agad namang pumasok sa sasakyan sina Tan at Morada subalit binasag din ng mga suspect ang salamin ng kanilang sasakyan.
- Latest
- Trending