Pedicab driver at anak, pinagtataga habang natutulog
MANILA, Philippines - Nasa malubhang kalagayan ang isang 28-anyos na pedicab driver at sugatan din ang 10-anyos na anak nito, nang pagtatagain ng isang dating kaalitan, habang natutulog sa bangketa sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nilalapatan ng lunas sa Philippine General Hospital (PGH) sina Jose Basco, at anak nitong si John Michael, walang permanenteng tirahan sanhi ng tinamong mga taga sa katawan.
Isang alyas “Michael” naman na nasa 25-28 anyos, payat ang sinasabing responsable sa pananaga. Dakong alas-2:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kanto ng TM Kalaw at Taft Ave., Ermita, Maynila.
Ayon kay Marivic Escoro, live-in partner ng biktima, katabi niya ang mag-ama nang maalimpungatan dahil sa paglapit ng suspect at mabilis na pinagtataga si Basco na agad nagising kaya nang tamaan ang anak ay sa paa lamang. Isa umanong dating nakaaway ni Basco ang suspect na posibleng rumesbak.
- Latest
- Trending