Pekeng pera kumakalat
MANILA, Philippines - Nagpalabas ng babala sa publiko kahapon si Southern Police District Director, Chief Supt. Benito Estipona sa posibleng pagkalat ngayon ng mga pekeng pera ng mga sindikato ngayong nalalapit ang panahon ng Kapaskuhan. Ito’y makaraang dalawang hinihinalang miyembro ng sindikato ng pekeng pera ang nadakip ng mga tauhan ng SPD sa magkahiwalay na lugar sa Parañaque at Pasay City.
Ayon sa ulat, unang nadakip kamakalawa ng mga tauhan ng Parañaque City Police ang suspek na si Sandy Acmad, 30, ng Tawi-Tawi St., Maharlika Village, Brgy. Central, Taguig City. Nabatid na isang sumbong ang natanggap ng pulisya sa paggamit ni Acmad ng pekeng pera sa pagbili ng sari-saring gamit sa may BF Resort sa naturang lungsod. Nakumpiska kay Acmad ang 19 na pirasong pekeng P50 na kabilang sa palsipikadong salapi na kanyang ibinabayad sa ilang mga establisimiento sa naturang lugar.
Sumunod na nadakip ng mga tauhan ng Pasay police si Felix Diokno, 33, residente rin ng Taguig City habang nagbabayad ng pekeng pera sa isang Chinese restaurant sa EDSA Taft Avenue kahapon. Nakumpiska naman ng pulisya kay Diokno ang limang piraso ng pekeng P1,000 na bukod sa ibinayad niya sa naturang restaurant. Ayon kay Estipona, ginaya na rin ng mga namemeke ang bagong disenyo ng pera na inilabas ng Bangko Sentral.
- Latest
- Trending