MANILA, Philippines - Patay ang isang 63-anyos na lola habang sugatan ang isa pang estudyante makaraang tumalon ang mga ito sa sinasakyang pam pasaherong jeepney matapos na mataranta sa panghoholdap ng isang lalaki sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang nasawi ay kinilalang si Lerma Espino, ng Cebu St., Pael Estate, Brgy Culiat, habang sugatan din ang La Salle student na si Christian Sembrano, 16.
Nangyari ang insidente sa harap ng Veterans Memorial Medical Center sa kahabaan ng Mindanao Avenue, Brgy. Project 6, ganap na alas-9:40 ng gabi.
Ayon sa kapwa pasaherong sina EM Dedace at Rhoda Balagat, habang sakay sila ng isang PUJ (PVT-199) kasama ang dalawang biktima, biglang nagdeklara ng holdap ang suspect na kasakay din nila hawak ang isang baril.
Sa katarantahan, matapos na magsigawan ang mga pasahero sa driver na huminto, biglang naalarma ang dalawang biktima na na kaupo sa hulihan ng PUJ at tumalon.
Sa pagtalon ni Lola ay unang tumama ang ulo nito sa sementong kalsada sanhi upang magtamo ito ng matinding pinsala at agad na nasawi. Habang si Sembrano naman ay nagtamo ng galos sa kanyang katawan at isinugod sa VMMC bago inilipat sa St. Lukes Medical Center.
Ang suspect dahil sa pangyayari ay agad ding sumibat papalayo sa lugar patungo sa Mindanao Avenue ng walang nakuhang anuman sa mga pasahero.