4-anyos na sinaksak ng BBQ stick ng kalaro, pumanaw na
MANILA, Philippines - Namatay matapos na impeksyon ang puso ng isang 4-anyos na batang babae makaraang saksakin ng barbecue stick ng 3-anyos niyang kalaro sa Quezon City, kamakailan.
Tuluyan nang bumigay ang biktima matapos ang may sampung araw na gamutan makaraan umanong maimpeksyon ang sugat nito na tumama sa puso.
Ayon kay Insp. Elmer Monsalve ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang insidente noong Sept. 27 sa Barangay Sauyo.
Pero dahil ang suspect ay tatlong taong gulang pa lamang, wala umano itong anumang criminal liability sa ilalim ng ating batas.
Gayunman, ang kanyang mga magulang ang maaaring maharap sa civil liability sa pagkamatay ng anak ni Rina Evangelista.
“It will depend on what the court will award as damages. The government can also intervene and provide counselling to the boy and the parents,” sabi ni Monsalve.
Base sa kuwento ng opisyal ng Barangay Sauyo, ang batang biktima ay nasawi nitong Linggo ng umaga.
Sinasabing ang biktima ay sinaksak umano ng barbecue stick habang nakikipaglaro at nakipagtalo sa isang batang lalaki sa may Herminigildo Compound sa Barangay Sauyo, Novaliches. Nai-confine pa sa Quezon City General hospital ang bata, pero ganap na alas-6, Linggo ng umaga ay nagkaroon ng impeksyon ang puso at tinamaan ng pneumonia sanhi para ito masawi. Ang itinusok na stick sa katawan ng biktima ay tumama sa kanyang puso.
Base sa batas, ayon pa kay Monsalve, ang menor de edad na 15 pababa ay walang pananagutan sa batas, gayunman ang mga magulang nito ang maaring maharap sa civil liability sa pamamagitan ng actual damages at iba pang hilingin ng magulang ng bata.
- Latest
- Trending