MANILA, Philippines - Umaabot sa 28 katao ang nasagip ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 7 (Jose Abad Santos Police Station) mula sa rescue at clearing operations kamakalawa ng umaga sa Tondo, Maynila.
Ang nasabing operasyon na pinangunahan ni MPD station 7 chief, Supt. Roderick Mariano ay isinagawa alinsunod sa kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim na linisin ang lungsod mula sa iba’t ibang balakid sa kalsada at nagpapasikip ng daloy ng trapiko.
Ayon kay Mariano, alas-9 ng umaga nang isagawa ang rescue at clearing operation sa New Antipolo St., Tondo, Manila.
Dito nasagip ang 28 katao kabilang ang 13 menor de edad mula isang taong gulang hanggang 12- anyos.
Inalis din ang mga barung-barong na itinayo ng mga nasagip, kung saan delikado mula sa mga motorista.
Agad din namang dinala ang mga ito sa Reception Action Center (RAC)-MSDW para sa kaukulang aksiyon.
Sinabi ni Mariano na regular nilang isasagawa ang rescue at clearing operation upang matiyak ang kaligtasan ng mga residenteng naninirahan dito.
Matatandang sinuyod ng Manila Department of Social Welfare, sa pangunguna ng hepe nitong si Jay R. dela Fuente ang mga “solvent boys” at pulubi sa Blumentritt.