MANILA, Philippines - Isang 49-anyos na lalaki ang hinihinalang inatake sa puso dahil sa pagtaas ng presyon bunga ng matinding galit sa kapitbahay na seaman na dumedma lamang sa kanyang paghahamon ng suntukan, sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni PO3 Rodel Benitez ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si Emil P. Novestera, ng J. Marzan St., Sampaloc, na idineklarang patay nang isugod sa Ospital ng Sampaloc.
Isinailalim sa imbestigasyon ang kapitbahay na nakaalitan nitong si Phillip B. Maige, na agad ding pinalaya ng mga awtoridad dahil wala itong pananagutan sa pagkamatay ng biktima.
Dakong alas-4:00 ng madaling-araw kahapon, nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ni Maige.
Nabatid na papasok ng kanilang bahay sina Maige at misis na si Juda nang biglang sumugod si Novestera.
Galit na galit umano ito at naghahamon ng suntukan kay Maige sa hindi tinukoy na dahilan ng awayan.
Subalit hinila ni Juda ang mister papasok ng bahay at ikinandado ang pintuan upang umiwas sa gulo.
Ilang kapitbahay naman sa labas ng bahay ang umano’y umaawat sa galit na galit na biktima upang mapakalma, nang bigla umanong mag-collapse.