MANILA, Philippines - Timbog ang isang retiradong pulis at dalawang kasamahan nito matapos na umano’y holdapin at molestiyahin ang isang babaeng vendor sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga nadakip na sina Jaime Albao, 54, retired policeman; Jay-R Baguise, 41; at Joseph Villamor, 22.
Sila ay inaresto base sa reklamo ng biktimang si Eleonor Parrocha, 31, ng Malabito St., Brgy. Kaunlaran, sa lungsod.
Nabatid na nakauniporme pa ng pulis si Albao nang madakip.
Nangyari ang pagkaka-aresto matapos na magkunwaring mga pulis ang mga suspect at pinara ang isang pampasaherong jeepney sakay ang biktima dakong alas-11 ng umaga.
Kasunod nito ay kinuha ng mga suspect ang biktima at isinakay sa kulay silver gray na Mitsubishi Adventure (XGS-795).
Sa loob ng nasabing sasakyan ay kinuha ng mga suspect ang pera at gamit ng biktima. Hindi pa nakuntento ay pinaghubad pa ng mga suspect ang biktima saka minolestiya sa pamamagitan ng paghawak sa maseselang parte ng katawan.
Matapos ito, nagpasya ang mga suspect na pakawalan ang biktima na agad namang dumulog sa barangay hanggang sa himpilan ng pulisya at humingi ng saklolo.
Agad namang rumesponde ang pulisya kung saan natiyempuhan ang mga suspect malapit sa lugar at inaresto ang mga ito.
Narekober sa mga suspect ang isang kalibre 45 baril, IDs ng PNP, PNP badge, PNP athletic uniform, dalawang patalim, limang cellphones, iba’t ibang uri ng IDs; ATM cards at P600 na pag-aari ng biktima.