Manhunt vs killers ng TF Commonwealth chief, inilunsad
MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng Que zon City Police District (QCPD) na ang pagtatanim ng galit ng mga iligal vendor ang posibleng dahilan sa pagpaslang sa hepe ng Task Force Commonwealth, kamakalawa.
Ayon kay QCPD director Chief Superintendent Mario dela Vega, ang pagkamatay ni Task Force Commonwealth chief Manuel Buncio, 72, ay maaaring work related.
Ang task force ay binuo ng Quezon City Hall sa layuning mapanatili ang peace and order sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kabilang ang maayos na daloy ng traffic at pagtanggal sa mga illegal vendors.
Si Buncio ay pinagbabaril at napatay sa harap ng Commonwealth Elementary School ng apat na kalalakihang sakay ng mga motorsiklo ganap na alas-4:15 ng hapon kamakalawa. Mabilis namang nakaresponde ang mga nakahimpil na awtoridad sa lugar at nagawang makipagpalitan ng putok sa mga suspect na ikinasawi ng isa sa mga ito.
Natukoy ang nasawing suspect sa pamamagitan ng kanyang identification card ng Barangay Commonwealth bilang miyembro ng barangay public safety officer (BPSO) na si Romel Haldos, 35, na armado ng kalibre 45 baril.
Sabi ni Dela Vega, personal na pinangasiwaan ni Buncio ang pagtatanggal ng iligal vendors sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kung saan kinukumpiska ng kanilang task force ang mga tinda ng mga ito.
Samantala, ayon naman kay Inspector Elmer Monsalve, hepe ng homicide investigation section ng QCPD, ang baril ni Haldos ay isasailalim sa ballistic testing at cross matching para matukoy kung sangkot din ito sa iba pang insidente ng pamamaril sa lungsod.
- Latest
- Trending