MANILA, Philippines - Nagpatupad ng dagdag presyo ang mga kompanya ng liquefied petroleum gas (LPG) sa bansa makaraang gumalaw ang halaga nito sa internasyunal na merkado. Dakong alas-12:01 Martes ng madaling-araw, nagtaas ng P1.70 kada kilo o P18.70 kada 11-kilong tangke ang LiquiGaz. Sinundan ito ng Petron Corp. alas-6:00 ng umaga na may P1.75 kada kilo o P19.25 kada 11-kilong dagdag-presyo sa Gasul at FiestaGas.
Nagtaas din ito ng P1.10 kada litro sa kanilang Auto LPG. Sumunod na rin ang iba pang kompanya ng petrolyo kabilang ang Total Phils. na nagtaas ng P2 sa kada kilo o P22 sa kada tangke ng kanilang LPG. Ganito rin ang itinaas ng Solane ng Pilipinas Shell kahapon ng umaga. Ayon sa mga kompanya, ito ay kasunod ng paggalaw sa international contract prices ngayong Oktubre.