Tatay patay, anak sugatan sa pamamaril sa QC
MANILA, Philippines - Isang ama ang nasawi samantalang sugatan naman ang 8-anyos nitong anak na babae makaraang pagbabarilin ng dalawang armadong kalalakihan sa hinalang nag-ugat sa alitan sa lupa sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot sa lugar ang biktimang si Jose Peralta, ng Brgy. Pasong Tamo sa lungsod. Habang ang anak nitong si Mary Jane ay agad namang nilapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center (EAMC) dahil sa tama ng bala sa braso.
Ayon kay PO3 Hermogenes Capili, nangyari ang insidente sa loob mismo ng tahanan ng mga Peralta ganap na alas-10 ng gabi. Sinasabing nasa kasarapan na ng pagtulog ang mag-ama nang bigla umanong may kumatok na lalaki na nagsabing magpapagawa ng sapatos.
Nang pagbuksan ni Jose ng pinto ay biglang pinaulanan sila nito ng bala ng mga suspect, saka mabilis na nagsipagtakas sakay ng isang motorsiklo.
Ayon kay Mary Jane, bago raw ang insidente, ibinibenta umano ng kanyang tatay ang kanilang bahay at lupa sa halagang P370,000 na mariing tinutulan ng mga kapatid nito. May ilang beses na anyang nakikita ng bata na nagtatalo ang kanyang ama at ilang kapatid dahil ayaw ng mga huli na ibenta ang nasabing ari-arian sapagkat nakapangalan umano ito sa kanilang nanay na buhay pa hanggang sa kasalukuyan.
- Latest
- Trending