MANILA, Philippines - Nauna sa unang oras at unang araw na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) na naghain ng kandidatura sina Manila Mayor Alfredo S. Lim at ang kanyang runningmate bilang bise-alkalde, ang actor-director na kasalukuyang konsehal ng ika-6 na distrito ng lungsod na si Lou Veloso.
“Early risers catch the worm,” ani Lim sa pahayag sa media at mga tagasuporta na dumagsa at nagtiyagang maghintay sa labas ng Comelec office.
Kasabay din nina Lim at Veloso sa paghahain ng certificate of candidacy (COC) ang mga kandidato sa pagka-konsehal ng anim na distrito ng lungsod.
Nang ipakilala ni chief of staff Ric de Guzman ang lahat ng kandidato, nagpahayag ng saloobin si Veloso na nais niyang si Lim pa rin ang manungkulan bilang alkalde na ang vision at mga ipinakitang serbisyo ay hindi matatawaran at maiiwang legacy.
Sa panig naman ni Lim, kaya nagpasiya siyang tumakbong muli sa ikatlong termino, upang maipagpatuloy pa ang mga programa at proyektong pinaiiral sa lungsod at nais niya si Veloso para sa inaasahang mapapanatili nito ang mga programang nasimulan.
Nagmistula namang political rally ang unang araw ng paghahain ng (COC) sa Comelec ng Pasay City dahil sa pagdagsa ng daan-daang mga tagasuporta ng mga politiko na naunang nagsumite ng kanilang kandidatura.
Pawang mga nakasuot ng berdeng kamiseta ang daan-daang tagasuporta ni incumbent Mayor Antonino Calixto na dumalo rin sa “flag raising ceremony” ng pamahalaang lungsod.
Dakong alas-9:00 ng umaga kahapon nang pormal na naghain ng kanyang COC si incumbent Mayor Calixto kasama ang kanyang magiging bise alkalde na si Noel Bayona, incumbent representative Imelda Calixto-Rubiano at ang mga ka-tiket sa pagka-konsehal sa ilalim ng Liberal Party (LP) ng nasabing lungsod.
Makalipas ang ilang minuto, sumunod namang dumating si dating Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad na tatakbo rin bilang alkalde ng Pasay sa ilalim ng Nacionalista Party kasama ang kanyang anim na konsehal habang nakapaligid ang kanilang supporters na nakasuot ng kulay orange na t-shirt.
Kabaligtaran naman kay Calixto, naging simple lamang ang paghahain ng COC ng dati ring alkalde na si Trinidad.
Nagkaroon ng pansamantalang kaguluhan sa tapat ng Comelec Office sa FB Harrison nang isang pagsabog ang umalingawngaw. Natuklasan naman na buhat sa sumabog na gulong lamang ng isang pampasaherong jeep ang narinig at hindi sa pinangangambahang pagpapasabog.
Samantala, naghain na rin ng Certificates of Candidacy si incumbent Mayor Vergel Aguilar ng Las Piñas City kasama ang kanyang bise alkalde na si Luis Bustamante at si Congressman Mark Villar.
Dakong alas-3:00 ng hapon nang magtungo sa Comelec at naghain din ng CoC sa pagka-alkalde si Benjo Bernabe dating konsehal ng District 2 kasama ng kanyang magiging bise alkalde na si Rico Golez, Congressman Ed Zialcita ng District 1 at District 2 representative Gus Tambunting sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA).