MANILA, Philippines - Dalawa katao ang patay, habang isa pa ang sugatan sa pananaksak ng dalawang lalaki sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nakilala ang mga nasawi na sina Leonila Alla Lugan, 43, may-asawa, vendor at Edwin Estacio, 43, habang sugatan naman ang anak nitong si Mark Julius Estacio, 22.
Natukoy naman ang mga suspect sa mga alyas na Danny at Kim na ngayon ay tinutugis na ng mga awtoridad.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na nangyari ang insidente sa Dinorado St., Sitio Palayan, ganap na alas 12:30 ng madaling-araw.
Nag-ugat ang insidente nang makita umano ni Edwin ang kanyang anak na si Mark Julius na nakikipag-suntukan sa suspect na si Kim. Hindi naman batid kung ano ang sanhi ng pagsusuntukan ng dalawa.
Dahil dito, tinangkang tulungan ni Edwin ang anak, pero mabilis na nakapasok ng kanyang bahay si Kim.
Sinundan naman ng suspect na si Danny si Mark Julius at pinagsasaksak na nagawa namang makatakas sa kabila ng mga sugat sa katawan.
Samantala, habang pabalik ang suspect na si Danny ay nakita naman nito si Edwin na siya niyang pinagbuntunan ng galit at pinagsasaksak sa buong katawan.
Nakita naman ni Lugan ang insidente at tinangkang awatin si Danny, pero maging siya ay sinaksak din ng huli sa kaliwang balikat, saka tumakas.
Nagawa pang maisugod sa Fairview General Hospital ng mga biktima, pero namatay din sina Edwin at Lugan habang inoobserbahan naman si Mark Julius.