Tandem kinuyog nang pagkamalang holdaper

 MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo ang ki­nuyog ng taumbayan ma­tapos sumigaw ang naka­banggaang Indian national na sakay din ng motorsiklo na sila ay holdaper­ sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Ito ang lumalabas na dahilan kaya pinakawalan ng Manila Police District-Station 4 sina Feliciano Bernalez Jr., 27, at Joemar dela Serna, 22, matapos silang gulpihin at magtamo ng mga sugat, pasa at galos sa katawan.

Sa ulat,  dakong alas -7:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa M. dela Fuente St., Sampaloc, Maynila.

Nabatid na magkaangkas sa motorsiklo ang dalawa nang pagsapit sa nasa­bing lugar ay nakasalubong nila ang  isang di-nakilalang Indian­ national na naka­-motorsiklo rin at mabangga nila ito.

Sumigaw ang Indian national na mga holdaper na tu­mutukoy sa kanila kaya sumaklolo ang mga nakatambay sa lugar kung saan kinuyog at ginulpi ang dalawa hanggang sa may rumespondeng mga kagawad ng MPD-Station  4.

Taliwas naman sa pahayag ng isang saksi na nakita umano nilang papatakas ang dalawa at nang habulin ng taumbayan ay nagtapon umano ng pekeng pera su­balit nakasalubong ng iba kaya ito kinuyog.

Gayunman, pinakawalan din ng MPD-Station 4 ang dalawa matapos na walang lumutang na complainant dahil sa biglang naglaho na ang Indian national. 

Show comments