Taxi driver nagpanggap na pulis, timbog sa kotong
MANILA, Philippines - Kulungan ang binagsakan ng isang taxi driver makaraang maaresto ito kasama ang isa pang kasabwat sa isinagawang entrapment operation matapos tangkaing kotongan ang mismong kanyang operator, kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.
Nakilala ang mga nadakip na sina Juancho Alano, 44-anyos, residente ng bayan ng Pateros at ang kasabwat nitong si Ernesto Andal.
Sa ulat ng Parañaque City Police, tatlong araw pa lamang na minamaneho ni Alano ang taxi na pag-aari ni Francisco Gatpayat, 32, ng Block 23 Lot 8 Peter St., Annex 35 Brgy. Don Bosco, ng naturang lungsod nang isagawa ang sinasabing pangingikil.
Sa salaysay ni Gatpayat, tinawagan siya ni Alano na nagpanggap na isang SPO3 Bobis nitong nakaraang Martes at sinabing nakakulong ang kanyang driver dahil sa pagkakasangkot sa isang aksidente. Dito humingi ang suspek ng P50,000 para mapalaya umano ang kanyang driver at mai-release ang kanyang taxi sa impounding area.
Dito na naghinala si Gatpayat na agad na humingi ng tulong sa Don Bosco Police Community Precinct na nagplano ng entrapment operation. Hindi na nakapalag ang kasabwat na si Andal nang arestuhin ng mga pulis sa pinagkasunduang lugar.
Naaresto naman kamakalawa ng hapon sa follow-up operation si Alano makaraang inguso ni Andal ang kanyang pinagtataguan sa Parañaque City.
- Latest
- Trending