Aussie nag-suicide dahil sa brain tumor
MANILA, Philippines - Dahil sa dinaranas na sakit, tuluyan nang winakasan ng isang Australian national ang kanyang buhay nang magbaril ito sa kanilang tinutuluyang bahay sa Malate, Maynila.
Nakahandusay at duguan ang biktimang si Robert Archer, 47, Chief Executive Officer (CEO) ng Advanced Sharp Technologies sa Australia at pansamantalang nanunuluyan sa Unit 1805 Baywatch Tower Condominium, na matatagpuan sa #2057 M.H. del Pilar St., Malate, Maynila makaraang magbaril ito sa sentido.
Sa ulat ni PO3 Rodel Benitez ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:50 ng madaling-araw nang madiskubre ng kanyang misis na si Annabelle, 28, ang pagpapakamatay ng dayuhang mister.
Iniwan umano ng misis ang biktima upang bisitahin ang ilang kaanak at nang umuwi ito ay nakita niya ang mister na wala nang buhay sa kanilang kama.
Sa salaysay ni Annabelle sa pulisya, ang biktima ay nagtungo sa Pilipinas upang magpagamot subalit nang tapatin umano ng doktor na hindi na kayang lunasan ang sakit na brain tumor, nadismaya ito kaya nagawa na rin ang ilang beses na tangkang pagpapakamatay na naagapan.
Isang suicide note ang iniwan ng biktima patungkol sa kanyang misis at sa mga kaanak sa Australia. Nasa tabi ng bangkay ang isang Glock pistol at basyo ng bala.
- Latest
- Trending