3 holdaper patay sa Marikina shootout
Patay ang tatlong hinihinalang mga kilabot na holdaper makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Marikina City Police nang tangkaing iwasan ang itinatag na checkpoint, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Marikina City Police chief, Senior Supt. Gabriel Lopez, ang isa sa namatay na si Philip Bautista, habang isang alyas “Pidiong” ang isa at patuloy na inaalam pa ang pagkakakilanlan ng ikatlong nasawi.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:40 ng gabi nang sitahin ng mga pulis sa pangunguna ni Chief Insp. Ronald Girao ng Anti-Carnapping Unit sa itinatag na checkpoint sa may Tzu Chi Street sa Marikina Heights ang isang Yamaha Smash (8597-WO) at isang Yamaha Mio na walang plaka lulan ang tatlong nasawi.
Umiwas ang mga ito sa checkpoint sanhi upang habulin ng mga pulis hanggang sa masukol sa may East Drive sa Brgy. Fortune.
Dito unang nagpaputok umano ang mga suspect kaya napilitan ang mga pulis na gumanti hanggang sa bumulagta ang tatlo.
Nasamsam sa tatlong napatay na holdaper ang dalawang kalibre .38 revolver, isang kalibre .45 baril, mga bala ng naturang baril, isang backpack bag na naglalaman ng isang cellphone, 2 padlock, walong sim cards, bukod pa sa pagkakumpiska sa dalawang motorsiklo na hinihinalang nakarnap ng mga salarin.
Nabatid na unang nakatanggap ng tawag sa telepono ang Marikina police ukol sa naganap na holdapan sa Brgy. Marikina Heights kaya agad na nagtatag ng checkpoint ang pulisya kung saan nasabat ang mga holdaper.
- Latest
- Trending