Tourist police inilunsad
MANILA, Philippines - Upang ganap na mapalakas ang kampanyang ‘Travel City’, pormal na inilunsad ang Pasay City Tourist Police na tututok sa pagbibigay seguridad at tulong sa mga dayuhan na dumarating sa lungsod mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) hanggang sa kanilang mga hotel.
Aabot sa 35 pulis sa pamumuno ni P/Sr. Insp. Allan Estrada buhat sa Pasay City Police ang bubuo sa Pasay Tourist Police bukod pa sa magiging katuwang nila na 40 Tourist Auxilliaries na binubuo naman ng mga volunteers buhat sa mga barangay.
Sinabi ni Pasay Mayor Antonino Calixto na ito ang kanilang aksyon upang mabura ang negatibong persepsyon ng mga turista sa antas ng seguridad ng Pilipinas at ng pulisya.
Kabilang sa serbisyo ng Tourist Police at Auxilliaries ang pagbibigay ng tulong lalo na sa direksyon sa mga bagong dating na mga turista buhat sa NAIA patungo sa mga malls, hotels at iba pang tourist destination at mabilis na pagresolba sa mga kaso sa mga turistang nabibiktima ng mga kriminal.
Kung dati rin umano ay sa presinto natatauhan ang mga dayuhan na nasosobrahan sa pagkalasing, pinapayuhan ang mga pulis na magkusa na dalhin na lamang ang mga ito sa kanilang mga hotel upang doon mahimasmasan. Ngunit kung nakagawa ng paglabag sa batas at sobrang barumbado ay hindi ito palalampasin at papatawan ng kaukulang aksyon ayon sa batas.
Sinabi ni Calixto na nais nila na maging masaya ang pananatili sa Pasay City ng mga dayuhan upang magpabalik-balik ang mga ito. Malaking tulong din umano ang mga hotels, shopping malls, casino at iba pang mapaglilibangan ng mga turista na darayo sa bansa.
- Latest
- Trending