MANILA, Philippines - Patay sa pamamaril ng riding-in-tandem si Philip Salvador (hindi ang aktor), sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ayon kay PO2 Julius Balbuena, si Salvador, 35, electrician, ay naninirahan sa may Kapiligan St., Brgy. Doña Imelda sa lungsod.
Ang armadong mga salarin, na nakasuot ng bonnet, itim na jacket at pantalon ay mabilis na nagsitakas makaraang maitumba na nila ang target.
Sinabi ni Balbuena, nalaman niya buhat sa kapatid na si Salvador ay dati nang naaresto sa kasong robbery. Kaya naman hinala ng imbestigador na may kinalaman ang nasabing kaso sa pamamaril sa kanya.
Nangyari ang pamamaril sa kahabaan ng Kasunduan St., Brgy. Commonwealth, ganap na alas-8:45 kamakalawa ng gabi.
Nakikipag-inuman umano sa kanyang mga kaibigan ang biktima nang huminto ang isang motorsiklo ilang metro ang layo mula sa kanila. Mula rito ay bumaba ang backrider ng motorsiklo at nilapitan ang biktima saka pinagbabaril.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.