Buhawi sa QC: 120 bahay winasak
MANILA, Philippines - Aabot sa 120 kabahayan ang nawasak matapos na umatake ang dambuhalang buhawi sa isang barangay sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Brgy. chairwoman Crisell “Beng” Beltran, ang nasabing buhawi ay tumagal ng halos 40 minuto kung saan nagpaikut-ikot sa apat na kalye.
Nagsimula ang pag-atake ng buhawi ganap na alas-5:30 ng hapon sa may Brgy. Bagong Silangan sa lungsod.
Unang inakala umano ng mga residente na simpleng hangin lamang ang umihip na nagsimula sa Isla Pulang Lupa, dahil kasama nito ang pag-ambon, hanggang sa mabuo ang hangin nang sumalubong umano ang isang malakas na hangin mula sa Filinvest at maging dambuhalang buhawi.
Dito na sinimulang suyurin ang mga kabahayang nakatayo partikular sa may Area 5, Lingayen, pawang sa Sitio Veterans; Panther St, sa Sitio Veterans 4, at isang bahay sa Spring Country, pawang mga sakop ng Brgy. Silangan.
Ayon pa sa Kapitana, nang maglaho ang buhawi, iniwan nito ang mga kabahayang wasak, gayundin ang mga puno at posteng nagtumbahan, dahilan para pansamantalang mawalan ng suplay ng kuryente sa lugar.
Samantala, nabatid na karamihan sa mga naapektuhan ay ang mga kabahayang malapit sa creek kung saan pawang mga gawa lamang sa light materials ang mga ito.
- Latest
- Trending