MANILA, Philippines - Huli sa camera ang dalawang tauhan ng Parañaque City Police na tumatanggap ng sobre buhat sa mga iligal vendors na nagkalat sa bisinidad ng simbahan ng Baclaran, kamakailan.
Kinumpirma ni Parañaque Police chief, Sr. Supt. Billy Beltran ang insidente sanhi upang sibakin niya sa kanilang puwesto sa Police Community Precinct 1 sina PO2 Adrian Valencia at Po2 Elan Sagario habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa kanilang kaso.
Ayon kay Beltran, isang concerned citizen ang nagpadala sa kanila ng “video footage” na kitang-kita ang dalawang pulis na tumatanggap ng sobre buhat sa mga iligal vendors sa paligid ng Our Lady of Perpetual Help sa Baclaran.
Nabatid na matagal na umanong inirereklamo ng mga deboto at kaparian ang hindi masawatang mga iligal vendors at terminal sa paligid ng Simbahan na dahilan na upang hindi maaprubahan ng Vatican City ang aplikasyon nila upang maging International Shrine.