MM police huwag tumunganga at mag-uupo sa istasyon - Gen. Espina
MANILA, Philippines - Mistulang inamin ni NCRPO Director, Chief Supt. Leonardo Espina na nakatambay at nakatunganga lang ang karamihan ng mga pulis sa limang distrito sa Metro Manila na naghihintay lamang ng darating na kaso.
Sinabi ni Espina na matagal na niyang namamatyagan na nagkakasya na lamang sa loob ng istasyon ang mga pulis at naghihintay lamang ng magaganap na krimen sa kanilang nasasakupan bago kumilos.
Dahil dito, inatasan ni Espina ang lahat ng mga district directors na personal na pamahalaan ang kanilang mga station commanders at chief of polices (COPs) na dapat rin umanong personal na mag-iinspeksyun sa kanilang mga tauhan hanggang sa mga Police Community Precincts (PCPs) upang matiyak na nasa kalsada ang mga ito at nagpapatrulya ng 24 na oras kada araw.
Iniutos nito na agad na sibakin ang lahat ng PCP commanders na mabibigong sumunod sa kanyang direktiba at may mga malalaking kaso tulad ng carjacking, pamamaslang, akyat-bahay, holdap at iba pa.
Pinaalala rin ni Espina kay SPD Director Chief Supt. Benito Estipona na magsagawa ng regular na case conference ukol sa panghoholdap sa Alabang Town Center.
Kung kakailanganin, magpapakalat rin ang NCRPO ng manhunt teams sa mga rehiyon upang tumulong sa paghahanap sa mga salarin.
- Latest
- Trending