MANILA, Philippines - Hindi napigilan ang pambabato ng daan-daang residente ng isang squatters’ area ang demolisyon sa kanilang mga tahanan sa loob ng McKinley Hills sa Fort Bonifacio, Taguig City kahapon.
Pinaulanan agad ng bato ng mga nagbarikadang residente na nakatira sa sinakop nilang bahagi ng 10.3 ektaryang lupain sa Lawton Street, Consular Area Gate 2 sa McKinley Hills, ang demolition team. Ngunit agad namang naawat ito nang pumagitna na ang nakasuportang tauhan ng Southern Police District (SPD) kung saan dalawa katao ang inaresto ngunit pinalaya rin naman agad upang payapain ang mga galit na residente.
Tinatayang nasa 100 kabahayan ang giniba ng demolition team sa naturang lugar na ipinadala ng Philippine Bases Conversion and Development at mga pribadong umaangkin ng pagmamay-ari. Gumamit ang demolition team ng dalawang backhoe at isang bulldozer sa paggiba sa mga bahay na yari sa light materials.
Isinisigaw naman ng mga residente na iligal umano ang demolisyon dahil wala namang ipinalalabas na court order at notice of demolition ang anumang korte sa kanilang lugar.
Samantala sa Makati City, sinabi ni City Administrator Marjorie de Veyra na pansamantalang sinuspinde muna nila ang planong demolisyon sa squatters’ area sa Guatemala St., Brgy. Isidro sa kabila na kumpleto na sila ng kautusan ng korte para isagawa ang paggiba sa mga barung-barong.
Patuloy muna umano silang makikipag-usap sa mga residente para tanggapin ang alok nilang relokasyon sa Laguna o pagtanggap ng cash assistance upang kusang umalis na ng lugar na hindi nila pag-aari.