Konduktor ng bus, kritikal sa pamamaril ng holdaper
MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang konduktor ng bus makaraang barilin ng nag-iisang holdaper matapos itong tumangging ibigay ang nakolektang pera, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Isinugod sa Manila Central University Hospital ang biktimang si Rodel Pamel, 34, tubong Sta. Cruz, Zambales, makaraang magtamo ng tama ng bala ng baril sa batok. Inilarawan naman ng mga nakasaksing pasahero ang nakatakas na salarin na kulot at mahaba ang buhok, nakasuot ng asul na overall.
Sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang panghoholdap dakong ala-1 ng madaling-araw sa may EDSA malapit sa Monumento. Nagpanggap umano na pasahero ang salarin at nang umandar ang bus ay nilapitan nito ang konduktor na si Pamel, itinutok ang baril at nagdeklara ng holdap.
Nang hindi agad ibigay ang hawak na pera, pinaputukan ng salarin si Pamel. Kinuha naman ng salarin ang pera sa bumagsak na si Pamel na aabot umano sa halagang P4,000 saka inutusan ang tsuper ng bus na si Reynald Pecson na ihinto ang bus at saka ito tumakas.
- Latest
- Trending