MANILA, Philippines - Arestado matapos ang walong taon ang isang civil engineer na may kasong two counts of rape at two counts of attempted rape sa isang menor-de-edad na pamangkin ng kanyang misis, noong 2003.
Ayon kay P/Chief Inspector Daniel Buyao, hepe ng District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) ng Manila Police District (MPD), sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Manila Regional Trial Court Branch 18, Judge Myra V. Garcia-Hernandez, nadakip ang akusadong si Joseph Aloven Reyes Abejuela, 44, ng Taft Avenue, Maynila sa loob ng office branch nito sa Star Mall, sa Shaw Blvd., Mandaluyong City nitong Sabado.
“Masyadong matagal nang wanted ito, nag-oopisina lang pala pero 2003 pa nakasuhan. ’Yung victim niya dating minor, ngayon kolehiyala na,” ani C/Insp. Buyao.
Nabatid na sa dalawang attempted rape ay pinapayagan pa ang akusado na maglagak ng piyansang tig-P120,000 subalit sa dalawang consummated rape ay ‘no bail recommended’ na nangangahulugang hindi siya maaaring makalaya kahit dinidinig pa ang kaso sa hukuman.
Ipinagtataka rin ng opisyal kung bakit hindi ito naaresto sa matagal na panahon gayung batay sa hawak nilang record, ang National Bureau of Investigation (NBI) ay kabilang sa nag-imbestiga, sumuri at nagbigay ng rekomendasyon sa korte na positibong ginahasa ang biktimang itinago sa pangalang “Len-len”.