Shootout: 2 holdaper utas
MANILA, Philippines - Hindi umubra ang tibay ng kargada ng dalawang holdaper na bitbit ay “teka-tekang baril” o paltik at replica ng baril sa mga baril ng mga tropa ng pulisya, matapos na ang mga ito’y masawi sa engkwentro, ilang minuto makaraang holdapin nila ang isang pampasaherong jeepney sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Kinilala ni QCPD Director Chief Supt. Mario O. dela Vega ang mga nasawi na sina Sandy Boy Kadtong, 29, at Isagani Bayani, alyas Gani, 30.
Ayon kay Dela Vega, si Kadtong ay agad na nasawi sa engkwentro habang si Bayani ay nagawa pang maisugod sa ospital pero binawian din ng buhay.
Isa sa mga kasamahan ng mga ito ang nagawang makatakas.
Bukod sa mga nasawi, isang pasahero ng jeepney ang sugatan matapos saksakin ng isa sa mga suspect. Nakilala itong si Christian Ore, 24, call center agent.
Sinabi ni QCPD-Station 11 commander Supt. Norberto Babagay, si Kadtong ang may bitbit na paltik na baril habang si Bayani naman ang may dala ng replikang baril.
Nangyari ang insidente sa kahabaan ng E. Rodriguez Blvd., corner BMA St., Brgy. Tatalon, ganap na alas- 8:45 ng gabi.
Bago ito, sumakay umano ang mga suspect sa pampasaherong jeepney (TCW-729) na tinatahak ang east-bound ng naturang lugar nang bigla na lamang itong magdeklara ng holdap.
Agad na tinutukan ng mga suspect ang mga pasahero saka nilimas ang mga dalang gamit ng mga ito.
Tiyempong nagpapatrulya naman ang mga pulis sakay ng mobile QC-40 at napuna ang komosyon sa loob ng jeepney.
Ilang sandali ay nagsipagbabaan ang mga suspect sa jeepney at naglakad patungo sa E. Rodriguez Blvd., partikular sa harap ng Quezon Institute.
Sinundan ang mga ito ng mga awtoridad, pero nang mapuna sila ng mga suspect ay bigla silang pinaputukan nito, dahilan para gumanti ng putok ang mga una at mauwi sa engkwentro.
- Latest
- Trending