4 pekeng agents, timbog ng NBI
MANILA, Philippines - Apat na nagpanggap na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang natimbog ng tunay na mga ahente sa isinagawang entrapment operation sa isang fastfood chain sa Bacoor, Cavite, nitong nakalipas kamakalawa.
Sinabi ni NBI Director Atty. Nonnatus Caesar Rojas, nag-ugat ang isyu nang mabuko ng NBI head office ang ginagawang pagbebenta ng NBI identification cards at pagre-recruit ng confidential agents ng mga suspect na sina Victor Borromeo, 46; Robert Conge, 42; Jullian Elloso, 39; at Dante Brondial, 40, pawang mga taga-Cavite.
Batay sa ulat ni NBI Special Task Force (NBI-STF) chief Roland Argabioso, ang apat na suspect ay dinakip sa loob ng isang fastfood chain sa Bacoor, Cavite dakong ala-1:30 ng hapon ng Huwebes.
Una rito, may tawag na natanggap ang tanggapan ni Argabioso na nagtatanong kung isang lehitimong ahente ang isang Victor Borromeo na na-deputized sa pagre-recruit ng confidential agents at pag-iisyu ng ID, kapalit ng P1,500.
Nang iberipika ay wala sa roster si Borromeo at tatlo pang kasabwat kaya inilatag ang operasyon.
Narekober sa mga suspect ang mga pekeng NBI IDs at di lisensiyadong kalibre .38 baril na may 6 na live bullets.
Maliban sa iniharap na kasong Illegal Possession of Firearms, Usurpation of Authority at Falsification by private individual and use of falsified documents, nakatakdang iharap ang mga suspect sa presong si Rolito Go sa loob ng New Bilibid Prison, na batay sa mga naunang ulat, pawang mga NBI agents ang dumukot sa nasabing preso.
- Latest
- Trending