'Green Card' sa mga guro, gov't employees
MANILA, Philippines - Halos magiging libre ngayon ang pagpapagamot ng mga lehitimong residente ng lungsod ng Pasay at mga empleyado ng Pasay City Hall sa pagkakaroon ng Green Card na magagamit sa lahat ng pagamutan sa naturang lungsod.
Inilunsad ni Pasay City Mayor Antonino Calixto ang “Take Care I Care Green Card (TCIC)” sa ilalim ng Comprehensive Hospitalization Program” na naglalaman ng P25,000 kada taon para sa hospital bills. Isa ito sa paraan para mapalakas ang kampanya nila sa kalusugan sa lungsod.
Ang mga pagamutan na binigyan ng akreditasyon ang Green Card ang Pasay City General Hospital, Manila Adventist Medical Center, at ang San Juan de Dios Educational Center Hospital.
Sakop ng Green Card ang serbisyong medikal na ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa 201 barangay. Kabilang dito ang bakuna sa mga batang may edad 0-2 taong gulang at iba pang pagbabakuna sa iba’t ibang karamdaman.
Para makakuha ng Green Card, ang isang pamilya ay kailangang magsumite sa Office of the Mayor ng Certificate of Marriage, Birth Certificate ng mga walang asawang anak, Voter’s Registration Record o Voter’s ID kabilang ang mga anak na may edad 21-pataas at walang asawa, Barangay Clearance/Certificate, dalawang 1x1 latest photo at sedula.
Mabibigyan din ng Green Card ang mga guro at staff ng mga paaralan sa lungsod. Kailangan lamang umano na kumuha sila ng Certificate of Eligibility para sa mga kaanak na kanilang benepisaryo at kailangang kumuha ng letter of authority sa Office of the Mayor kasama ang halaga na babayaran para sa pasyente.
Balido ang Green Card sa loob ng isang taon at kailangang mai-renew bago ang birthday ng miyembro. Isang social worker ang nakatalaga sa nabanggit na tatlong pagamutan para tumulong sa mga Green Card holders.
- Latest
- Trending