PLM prexy pinuri sa 100% pumasa sa medical board exam
MANILA, Philippines - Pinuri ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang pamamalakad ni Atty. Rafaelito Garayblas sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) matapos na 100 porsiyento ng mga nagsipagtapos sa College of Medicine 2011 ang pumasa sa isinagawang medical board exam at manguna sa physical therapy licensure board examination.
Ayon kay Lim, ang galing ng mga estudyante ay indikasyon lamang nang maayos at magandang pamamalakad at sistema ni Garayblas sa PLM. Si Garayblas din ay kasalukuyang secretary to the mayor ni Lim.
“He (Garayblas) works silently, masyadong mahiyain ito. He is not assertive pero alam mong napakasipag niya, kahit natutulog na ako, alam kong ginagawa niya nang mabuti ang trabaho niya. That’s why nobody can question him when it comes to work, integrity and ethics,” ani Lim.
Buong pagmamalaki at kaligayahan ang nararamdaman ng alkalde matapos na lumabas na ang PLM ay nasa ikalimang puwesto sa hanay ng mga medical schools sa bansa.
Sinabi naman ni Garayblas, 100 porsiyento ng kumuha ng board exam ay nakapasa samantalang 71 sa 73 na kumuha naman ng physical therapy licensure exam ang nakapasa.
Pinangunahan ito nina Camille Catchillar at Irish Bianca Gonzales (Top 1, 84.55%); Ma. Andrea Raymundo (Top 3, 84.20%); Regine del Rosario (Top 4, 84%); Wilbert Guinto Valladores (Top 7, 83.80%); Arianne Alcala (Top 8, 83.73%) at Michael Nicholai Sangco (Top 9, 83.60%).
“Karamihan ng enrolled sa PLM ay scholars at honor graduates from Manila’s 32 public high schools. Kaya ang PLM ay lumalaban nang sabayan sa UST at UP lalo na sa College of Medicine. Maganda rin ang resulta ng mga graduates sa College of Medicine natin sa PLM, kaya carry on and keep the PLM flag flying,” dagdag pa ni alkalde Lim.
Isa lamang ang PLM sa mga kolehiyo sa lungsod na libre ang matrikula sa mga mahihirap at magagaling na estudyante.
- Latest
- Trending